Dahil nakapagtala ng unang kaso ng COVID-19 ang bayan ng Lucban, Quezon ay nagpasiya ang lokal na pamahalaan na isailalim sa Total Lockdown ang buong bayan sa loob ng 48 oras.

Ito ay batay sa Executive Order Number 39 na nilagdaan ni Lucban, Quezon Mayor Olivier Dator.

 

Lucban LGU
Lucban LGU

 

 

Magsisimula ang Lockdown 12:01 ng hating gabi sa April 25 at matatapos naman sa April 27.

Lahat ng quarantine pass ay mawawalan ng bisa, walang papayagang makalabas ng bahay maliban kung emergency.

Lahat ng uri ng negosyo, maliit man o malaki ay hindi pahihintulutang magbukas.

Ang mga barangay officials at volunteers ay hindi rin papayagang lumabas ng kanilang bahay at wala ring papayagan na makapasok at makalabas ng bayan.

Tanging mga frontliner na nasa larangan ng Health Services, PNP, AFP, BFP, Staff ng Mayor’s Office at mga Barangay Captain lang ang hindi saklaw ang Total Lockdown.

Isang 45 yr. old na health worker na taga Lucban, Quezon ang nag-positibo sa COVID-19.

Bagamat hindi raw ito namalagi ng ilang araw sa bayan ay nais makatiyak ng lokal na pamahalaan wala itong mahawa. Nasa isang quarantine facility ngayon ang pasyente at nasa maayos na kalagayan. —LBG, GMA News