Ang sanggol na lalaki na nakakabit pa ang pusod at nakalagay sa ecobag ang nasagip sa Laguna matapos iwan ng sarili niyang ina sa tabi ng basurahan. Ang ginang, nakilala dahil sa kuha ng CCTV.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakita sa CCTV dakong 4:00 am nitong Martes ang isang babae na may bitbit na eco bag sa barangay Poblacion, Biñan sa Laguna.
Pagdating sa isang basketball court, bahagyang natakpan ng isang kotse ang babae pero makikitang yumuko siya, nagpalit ng sweater, at saka umalis na wala nang bitbit na ecobag.
Dakong 6:00 am na nang mapansin ng isang residente ang ecobag at nakita sa loob nito ang sanggol.
Malusog naman umano at malikot ang maputing sanggol na dinala sa isang ospital.
Natunton naman ng Biñan City Social Welfare Office ang ina ng bata, na nagsisisi umano at natatakot sa kaniyang ginawa.
Bagaman mali ang ginawa, hindi raw dapat husgahan kaagad ang mga ina sa ganitong insidente," ayon sa CSWCD.
"Nagkataon lang po siguro na may mabigat na dahilan kung bakit nangyayari ang ganito na baka kailangan din ng tulong ng nanay," sabi ni Adora Pascual, pinuno ng CSWCD.
ALAMIN: Paano ang proseso sa pag-aampon sa bansa?
Marami raw interesadong umampon sa bata pero may prosesong kailangan sundin.--FRJ, GMA News