Patay matapos pagbabarilin habang nag-aalmusal sa isang karinderya sa Sampaloc, Maynila ang bise alkalde ng Batuan, Masbate. Ang mga salarin, nakatakas sakay ng isang van.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Charlie Yuson III.  Dalawa pa niyang kasamahan ang nasugatan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nag-aagahan ang mga biktima sa isang karinderya sa VG Cruz Street nang bumaba mula sa isang van ang nasa dalawang salarin at pinagbabaril ang grupo ng bise alkalde.

Sa CCTV, nakita ang sasakyan ng mga suspek na isang gray van na may plakang ACM 8804.

Ayon kay Police Brigadier General Vicente Danao, MPD director, isang lalaki ang naaresto pero inaalam pa nila kung may kinalaman siya sa pamamaril sa bise alkalde.

Idinagdag ni Danao na apat na anggulo ang sinisilip nilang motibo sa pagpatay kay Yuson. Kabilang dito ang personal na away, pulitika, negosyo, o kung may kinasangkutan siyang ilegal na gawain.

Kasama rin umanong iimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa krimen ang nangyaring pagsalakay noong Pebrero ng mga awtoridad sa bahay ng bise alkalde at anak niyang si Batuan mayor Charmax Yuson, dahil sa hinalang nagtatago sila ng matataas na kalibre ng armas.

Sa naturang raid, ilang matataas na kalibre ng armas at pampasabog ang nakita umano ng mga awtoridad.

Pero sa naging panayam noon sa bise alkalde, itinanggi niya na sa kanila ang mga nakuhang mga baril at bala, at iginiit nito na may bahid-pulitika ang naturang operasyon.

Sinabi ni Danao na inihayag ng mga kaanak ng bise alkalde na nakatatanggap ito ng mga banta sa buhay.--FRJ, GMA News