Nasawi ang isang lalaking galing sa lamay matapos matumba ang minamaneho niyang motorsiklo sa Urdaneta City, Pangasinan. Ayon sa pulisya, posibleng inaantok o pagod na ang biktima habang bumibiyahe.
Sa ulat ni Russel Simorio ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Larry Gergado, na naaksidente sa Barangay Dilan Paurido.
Dahil sa nangyari, dobleng kalungkutan ang nararamdaman ng pamilya Gergado dahil kalilibing lang ng kanilang tiyuhin na nasawi naman bungan ng karamdaman.
"Mabilis kasi siyang magpatakbo raw," sabi ni Maria Bergado, nanay ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nawalan ng kontrol sa motorsiklo si Gergado.
"Siyempre galing ito ng lamay, posibleng inaantok na siya o kaya pagod na rin kaya hindi tama 'yung pagdesisyon niya o 'yung isip niya, medyo pagod na siguro," ayon kay Police Lieutenant Roberto Reyes, SDO, Urdaneta City PNP.
Tumama at nabagok ang ulo ni Gergado sa gutter ng kalsada.
Isinugod siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News