Kumbinsido ang forensic expert mula sa Public Attorney's Office (PAO) na ginahasa at ginamitan ng asido sa mukha ang 16-anyos na si Christine Silawan, na nakita ang bangkay na binalatan ang mukha sa isang bakanteng lote sa Lapu-lapu City, Cebu.


Sa ulat ni Alan Domingo ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing isinagawa muli ang pag-awtopsiya sa mga labi ng biktima dahil na rin umano sa kahilingan ng mga magulang nito para sa paghahanap ng hustisya sa anak.

"Mayroong extensive na abrasion. Ito ay second degree abrasion, mayroong mga pagdurugo kaming nakita. Nakakita kami ng multiple areas ng hematoma, ibig sabihin ay ito ay pinuwersa. So ang summary ng findings namin doon ay nakakita kami ng ebidensya na siya ay ni-rape," sabi ni Dr. Erwin Erfe, forensic expert  ng PAO.

Binuhusan din umano ng asido ang mukha ng biktima para malinis na matuklap ang mukha nito.

"Binuhusan ng asido then tinuklap 'yung mukha, then binuhusan muli ng asido. Kasi masyadong malinis ang pagkakakagawa, tunaw 'yung mga muscles. Ito'y di madaling tanggalin, puwede lang tanggalin sa pamamagitan ng paggamit ng asido," patuloy ni Erfe.

May palatandaan din umano ng sinakal ang dalagita.

Sabi naman ni Atty. Percida Acosta, hepe ng PAO, makatutulong ang re-autopsy  para malaman umano kung nasasabi ng totoo ang mga testigo na hawak ng mga pulis.

"Makikita niyo kung nagsasabi ng totoo yung mga witnesses na hawak ng ating kapulisan kasi usually, kapag nasabi na 'to magji-jive talaga 'yan sa forensic evidence," paliwanag niya.

Nauna nang naaresto ng mga awtoridad ang dating nobyo ng biktima na isa ring menor de edad. -- FRJ, GMA News