Nagdulot ng takot sa ilang estudyante ang bungo na nakita sa palikuran ng isang paaralan sa San Jacinto, Pangasinan. Pero may mga estudyante rin na hindi natakot at nagawang sipa-sipain at paglaruan ng bungo na may bahid pa raw ng dugo.

Sa ulat ni CJ Torida ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nakita ang bungo sa loob ng palikuran ng San Jacinto National High School.

Mula sa banyo, may naglabas ng bungo na mabaho umano kaya pinaglaruan ng ibang mag-aaral.

Kinalaunan, inireport sa pulis ang nakita bungo kaya kinuha nila ito para alamin kung saan nanggaling.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng may estudyante na nakapulot ng bungo sa sementeryo at dinala sa paaralan para ipanakot.

Magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang pamunuan ng paaralan para malaman kung estudyante nila ang nagdala ng bungo sa paaralan.

Dahil sa insidente, paiigtingin ang inspeksyon sa mga bagay na ipinapasok ng mga estudyante sa paaralan.-- FRJ, GMA News