Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 13-anyos na babae sa Siaton, Negros Oriental. Ang biktima, pinasok sa kanilang bahay, ginahasa at saka binaril sa mukha.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing base sa imbestigasyon ay natutulog ang biktima sa kanilang bahay kasama ang kaniyang mga kapatid nang pasukin sila ng armadong lalaki.
Hinihinalang hindi nakahingi ng tulong ang mga kapatid ng biktima dahil sa armado ng baril ang suspek, na kinalaunan ay natukoy na si Anthony Mahinay.
Matapos umanong gahasain ni Mahinay ang biktima, binaril pa niya ito sa mukha bago tumakas.
Nakilala ang suspek matapos na namukhaan ng isang kapatid ng biktima.
Hustisya ang hiling ng pamilya ng biktima.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad si Mahinay.-- FRJ, GMA News