Nauwi sa totohanang sakitan sa Urdaneta City, Pangasinan ang paglalaro ng dalawang mga bata ng baril-barilan matapos matamaan ang isang 10-anyos ng bala ng air gun ng kaniyang kalaro.
Nangangamba umano ang tiyahin ng bata na mabulag ang kaliwang mata ng bikitma.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles ng umaga, batay sa imbestigasyon ng mga pulis, naglalaro ang mga bata nang kunin ng kalaro ng biktima ang air gun ng kaniyang kuya.
Ipinutok ito, pero imbes na sa ibang target tumama, dumeretso ito sa mata ng biktima.
Pahayag ni Superintendent Rollyfer Capoquian, hepe ng Urdaneta City Police Station, "Yung bata tinamaan. Hanggang ngayon nasa ospital ...inimbitahan mga magulang."
Iginiit naman ng pamilya ng nakabaril na bata, hindi umano sinanadya ang insidente.
"Oo aksidente. Yung anak ko naglalaro sila yung anak ko nagpaputok ng air gun," pahayag ng batang nakabiktima.
Kinumpiska na ang air gun at isinailalim sa counseling ang batang nakabaril.
Samantala, sugatan din dahil sa air gun ang isang 15-anyos na lalaki sa Dingras, Ilocos Norte. Ang nakabatil ay ang kaniyang 17-anyos na pinsan.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, huhuli sana ng ibon sa ilalim ng mga puno ng kawayan ang mag-pinsan.
Nag-unahan ang dalawa sa pagkuha ng air gun, hanggang maibaril ito sa tiyan ng biktima.
Agad rin naman itong naisugod sa pagamutan.
Nasa kustodiya naman na ng DSWD ang menor de edad na suspek.
Matatandaang noong nakaraang April at June 2015, may napaulat ding mga insidente ng air gun shooting sa Pangasinan at Ilocos Sur.
Noong April 2015, isang 15-anyos na kalaki ang nasugatan nang barilin ng kaniyang kapit-bahay sa likod.
At Hunyo noong taon ding iyon isang 9-anyos naman na batang lalaki ang nasugatan din ng aksidenteng pagputok ng air gun sa Vigan City sa Ilocos Sur. —LBG, GMA News