Kalunos-lunos ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol na nakita ang bangkay sa loob ng plastic at iniwan sa gilid ng kalsada sa Bacolod City.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nakita ang sanggol sa Barangay 19, at nakakabit pa ang kaniyang umbilical cord.

Ayon sa pulisya, may residenteng nakakita umano sa isang babae na bumaba mula sa kotse at iniwan ang plastic na pinaglagyan sa sanggol.

Isang nurse naman ang napadaan sa lugar at sinuri kung buhay pa ang sanggol pero hindi na raw ito humihinga.

Dinala ang sanggol sa simbahan para mabasbasan at sinagot ng barangay ang pagpapalibing dito.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. --FRJ, GMA News