Patay na ang suspek sa paghalay at pagpatay sa isang 16-anyos na babae sa Davao City nang mabaril ng pulis matapos umanong mang-agaw ng baril sa loob ng presinto.

Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nasa loob ng fingerprint at mugshot room sa Talomo Police Station ang suspek na si James Narte nang agawin daw ang baril ng isang pulis.

Ayon kay P/Chief Insp. Ronadl Lao, hepe ng Talomo Police, isa pang pulis ang nakakita sa insidente na napilitang paputukan ang suspek na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Isinugod pa umano sa ospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay.

Dinakip si Narte dahil sa pagkamatay at paghahalay umano sa dalagitang si Rea Manila sa Barangay Bago Gallero nitong nakaarang linggo.

Itinanggi noon ni Narte ang paratang laban sa kaniya.

Pero nitong nakaraang Martes, isang dalagita pa ang nagtungo sa himpilan ng pulisya at itinuro si Narte na gumahasa rin sa kaniya.

Si Narte rin ang suspek sa tangkang panghahalay sa isang kasambahay.

Hindi naman naniniwala ang kapatid ni Narte sa mga paratang sa suspek at ang umano'y pang-aagaw nito ng baril.

May hinala naman ni Davao City Mayor Sara Duterte kung bakit naging marahas umano si Narte sa loob ng kulungan.

"May duda [hinala] akong naging violent siya dahil pinabulungan namin siya na gagahasain siya sa Maa City jail. So baka mayroon din siyang kaunting topak talaga kasi he is a serial rapist. May he rest in peace," sabi ng alkalde. --FRJ, GMA News