Isang suspek ang hinuli ng mga pulis sa Biñan, Laguna dahil sa panghahalay umano ng isang 19-anyos na babae.
Tinangka pa ng suspek na si Valentin "Ben" Victoria na tumakas pero naabutan pa rin siya ng mga pulis, ayon sa ulat ni James Agustin sa News To Go ngayong Lunes.
Pagdating sa presinto, ilang beses siyang muntik masapak ng mga galit na kaanak ng biktima.
Naniningil lamang daw ng utang sa palengke ang biktima nang inakbayan at tinutukan siya ng patalim ng suspek. Dalawang beses umano siyang hinalay ng suspek bago iniwan sa isang plaza.
Nagsumbong naman agad ang biktima sa mga pulis matapos ng pangyayari. —Maia Tria/JST, GMA News