Patay ang deputy commander ng Cainta police matapos rumesponde at makasagupa ng isang kilabot umanong kriminal na sangkot umano sa bentahan ng droga at nakawan sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "QRT" nitong Lunes, kinilala ang nasawing pulis na si Police Senior Inspector Jimmy Senosin, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Nakatakas naman ang salarin na sinasabing si Alyas Ruben, na sangkot umano sa iba't ibang krimen tulad ng pagnanakaw at pagtutulak ng droga.
Batay sa imbestigasyon, nakatanggap umano ang mga pulis ng text mula sa isang concerned citizen na may armadong lalaki sa Lakas Tao Floodway.
Nang puntahan ng mga awtoridad sa pangunguna ni Senosin ang lugar, doon na nila nakasagupa si alyas Ruben na may mga dati na umanong kaso at standing warrant of arrest.
"Nagkahabulan, agad-agad silang pinutukan. Pumutok din mga pulis kaso isang bystander at yung aking deputy tinamaan," ayon kay P/Supt. Raynold Rosero, hepe ng Cainta police.
Kaagad umanong isinugod sa ospital si Senosin at ang sibilyan na nasugatan sa barilan.
"Yung suspek may tama rin kaso nakatakas. Kasi 'yung mga humabol na pulis, nagsipagtago noong binato sila ng granada. May dala pa pong granada sa kabutihang palad 'di naman sumabog," dagdag niya.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek.-- FRJ, GMA News