Isang lalaki na nakatulog sa gilid ng kalsada dahil umano sa kalasingan ang nalasog ang katawan matapos siyang masagaan ng isang pampasaherong bus sa San Ildefonso, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, nakitang wala nang buhay at nakahandusay sa gilid ng kalsada na malapit sa kanilang bahay ang duguang bangkay ng biktimang si Frejoe Paculan, 51-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lasing umano si Paculan at ilang beses na inihatid sa kanilang bahay para makapagpahinga.
Dahil sa kalasingan, nakatulog sa gilid ng kalsada ang biktima at kalaunan ay nasagaan ng bus na minamaneho ni Vincent Bulo.
Hindi tumigil ang bus sa kabila ng nangyari at nadakip si Bulo sa bayan ng Magsingal.
Gayunman, nagkaroon umano ng pag-uusap na magkaayos ang magkabilang panig. -- FRJ, GMA News