Inalis na sa puwesto ang hepe ng Bansalan Police Station matapos na magwala umano sa isang bar sa Digos City sa Davao del Sur.
Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nag-viral sa social media ang video nang makunan ang pagwawala ng isang lalaki na kinalaunan ay nakilalang si Police Senior Inspector Florante Retes, hepe ng Bansalan Police station.
Nakasibilyan noon si Retes pero makikita na tila may nakasukbit na bagay sa kaniyang baywang na tila baril.
Lasing daw si Retes nang mangyari ang insidente kung saan nagbasag siya ng mga bote ng serbesa at nanipa pa umano ng pinto.
"Sinita niya ako. Sabi niya, sino amo ko, Tapos inagaw niya ang isang case ng beer na may laman. Tapos tinapon niya, nabasag yung apat," ayon sa may-ari ng tindahan.
Inagaw pa raw ng pulis ang isang case ng beer at itinapon kaya nagkabasag-basag ang ilang bote.
Kuwento naman ng isang saksi, na nagalit at nanindak ang pulis nang tanungin tungkol sa pagwawala nito.
Ayon kay Supt. Deozar Almasa, Deputy for Administration, Davao del Sur Provincial Police Office, kaagad na inalis sa puwesto si Retes habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Wala pa umanong pahayag si Retes na nasa holding area ng Davao del Sur Provincial Office bagama't nagkasundo na raw ang pulis at may-ari ng tindahan. -- FRJ, GMA News