Nagrereklamo na ang ilang residente sa mabahong amoy na idinudulot ng tone-toneladang isda na namatay sa baybayin ng Sual, Pangasinan dahil sa pagbaba umano ng antas ng oxygen sa tubig.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing nagkalat sa dalampasigan na sakop ng Barangay Pangascasan sa Sual ang mga patay na isda.

Dahil sa dami ng mga patay na isda na hindi nakukuha, dumadaing na ang ilang  residente dahil sa mabahong amoy.

"Sumusuka kami dahil hindi na kami makakakain, ang baho dito ng mga bulok na isda," ayon sa isang residente.

Sa isinagawang pagsusuri ng Municipal Agriculture Office sa baybayin walang nakitang kontaminasyon sa tubig na posibleng magdulot ng fishkill.

Sadya lang umanong mababa ang dissolved oxygen sa tubig kaya namatay ang mga isda na tinatawag na "gataw," ayon sa municipal agriculturist na si Flora Guanzon.

Ayon naman kay Dr. Westly Rosario, hepe ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-NIFTDC, pwede nang ituring na fishkill ang nangyari sa Saul dahil tone-toneladang isda na ang namatay.

Patuloy naman na magsasagawa ng pagsusuri ang municipal agriculture office sa tubig ng baybayin. —FRJ, GMA News