Dinukot at pinaniniwalaang pinatay ang alkalde ng Bien Unido, Bohol na si Gisela Bendong-Boniel. Ang suspek, ang kaniya mismong mister na dating alkalde ng naturang bayan.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing inaresto ng mga awtoridad kaugnay ng insidente ang mister ng biktima na si dating mayor at kasalukuyang Board Member na si Niño Rey Boniel.
Ayon sa pulisya, nagsumbong ang kaibigan ni Gisela na si Angel Leyson tungkol sa ginawang pagdukot sa alkalde.
Kuwento umano ni Leyson, magkasama sila noong Martes ng gabi sa isang resort nang biglang pasukin ng mga armadong lalaki ang kanilang kuwarto.
Pinosasan daw sila, piniringan at nilagyan ng duct tape ang bibig.
Pero narinig daw niya ang alkalde na nakiusap sa kaniyang mister na huwag idamay ang kaniyang mga kaibigan.
Dinukot daw ng mga lalaki si Gisela kasama ang anak nito at hindi na nila ulit nakita.
Ayon pa kay Leyson, matagal nang gustong hiwalayan ng alkalde ang kaniyang mister dahil nadiskubre raw nito ang mga anomalya ng asawa noong alkalde pa ito.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek at hihintayin na lang daw ang kaniyang abogado.
Base sa natanggap na impormasyon ng pulisya, itinapon daw ang katawan ng alkalde sa Lapu-lapu City.
Sa Twitter post ng dzBB radio, sinabing pinatay at itinapon sa karagatan ang bangkay ni mayora.
Bien Unido Bohol Mayor Gisela Boniel, pinatay at itinapon sa karagatan; suspek, ang asawang si Bohol Provincial Board Member Niño Boniel. pic.twitter.com/2A4J2zE4qd
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 8, 2017
-- FRJ, GMA News