Isang 18-anyos na estudyante ang nasawi, habang anim pa ang nasugatan nang ragasain ng gumuhong lupa na may kasamang bato ang sinasakyan nilang van sa Camp 1 Kennon Road sa Tuba, Benguet nitong Huwebes Santo.
Kinilala ni Police Chief Inspector Andres Calaowa ng Tuba Municipal Police Station, ang nasawing biktima na si Iziah Karl Jior Medalle, 18-anyos na engineering student ng Saint Louis University sa Baguio City, at naninirahan sa Dagupan City, Pangasinan.
Ayon kay Calaowa, idineklarang dead on arrival sa Baguio General Hospital si Medalle dakong 5:50 p.m.
Nasugatan naman sa naturang insidente sina Joseph Manno Alice, 66-anyos, driver ng van na mula sa La Trinidad, Benguet; Ronalyn Piguera, 20; at Joven Besa, 33; Giovanni Niepo de Leon, 30; Imelda Manlungat Dacumos, 22; at Bongbong Habulan Enteria, 30.
Si Medalle ay kabilang sa 14 na pasahero na sakay ng Hi-Ace Commuter van na galing Baguio City patungong Dagupan City nang mangyari ang pagguho ng lupa.
Pansamantalang isinara ang Kennon Road habang inaalis ang mga gumuhong lupa at bato.
Ayon sa abiso ng Department of Public Works and Highways-Cordillera Administrative Region, binuksan na muli ang Kennon Road nitong 11 a.m. ng Biyernes.
Gayunman, pinapayuhan ang publiko na maghanap ng ibang ruta kapag nagkaroon ng pag-ulan sa lugar.— FRJ, GMA News