Sa harap ng amnesty program na ipinatutupad ng pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE), kabilang sa mga natuklasan ang mga anak ng Pilipino doon na walang birth certificate dahil hindi kasal ang kanilang mga ina o kaya naman ay overstaying.
Ayon sa Migrant Workers Office (MWO) sa Philippine Consulate General (PCG), sa unang 12-araw ng implemetasyon ng two-month amnesty program ng UAE, umabot sa 146 kaso ng mga bata na anak ng mga Pinay ang walang birth certificates.
“As of Sept. 12, we have 146 cases – 37 finished cases and 109 still ongoing,” ayon kay Labor Attaché John Rio Bautista, pinunong MWO.
“They were born out of wedlock,” sabi pa ng labor attaché.
Inaasahan ng opisyal na tataas pa ang naturang bilang habang ipinapatupad ang naturang programa ng UAE.
Ayon pa kay Bautista, 17 sa mga kaso ang natapos na at pinondohan ng MWO.
“The rest were for guidance only. ‘Finished cases’ meaning we have completed the necessary documentation. ‘Funded’ meaning MWO shouldered all expenses, including tickets for repatriation,” paliwanag niya.
Karamihan umano sa mga bata ay nasa edad isa hanggang lima, at mayroon ding mga sanggol pa lang.
Nang tanungin si Bautista kung runaway ang mga overstaying na kasambahay, tugon niya, “Hindi naman po lahat.”
Mahigpit na ipinagbabawal sa batas ng Islam law ang pagbubuntis nang hindi kasal.
Kasama naman sa mga rekisitos sa pagkuha ng birth certificates ang marriage license ng mga magulang ng bata na ipapatala.
Kamakailan lang 64 na overstaying Filipinos--kabilang ang isang nagda-dialysis-- ang kasama sa unang grupo ng mga Pinoy ang tinulungang makauwi sa Pilipinas matapos samantalahin ang amnesty program sa UAE.
Kasama rin sa mga nakauwi ang isang Pinoy na halos anim na taon nang nagtatago sa UAE dahil sa kawalan ng sapat na dokumento.
Nagsimula ang amnesty program ng UAE nitong Sept. 1, 2024 at magtatapos sa Oct. 31, 2024.
Sa unang linggo ng implementasyon nito, mahigit 2,000 overstaying Filipinos ang sinamantala ang naturang programa ng UAE.—mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated News