Dumulog sa Senado ang mga pamilya ng dalawang babaeng overseas Filipino workers na nasawi sa Saudi Arabia noong nakaraang buwan na "natural death." Nais nilang malaman ang tunay na sanhi ng kanilang pagkamatay dahil parehong nagrereklamo ang dalawa na nakararanas ng pagmamaltrato mula sa kanilang mga amo.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing June 16 lang nang magpunta si Jelyn Arguzon sa KSA para magtrabaho.
Pero isang linggo pa lang ang nakalilipas, nagsumbong ito sa kaniyang asawa na nakararanas siya ng pagmamaltrato sa kaniyang amo.
“Nung pagkalipat niya po sa ibang bahay, kinuha daw po ang passport niya. Di daw maganda ang ugali ng amo niya minsan daw nagkakape siya tinapon ang tasa niya,” ayon kay Jerriel Arguzon.
Nagtungo ang pamilya ni Jelyn sa recruitment agency nito dahil hindi na nila siya makontak mula pa noong June 28.
Paliwanag naman ni Leaniz Palcone, presidente ng Insana Int’l Placement Agency, nakausap nila ang employer ni Jelyn at sinabing maayos ang kalagayan nito ay ibabalik nila sa opisina.
Pero hindi nasiyahan si Senate Committee on Migrant Workers chairman Senator Raffy Tulfo sa pahayag ni Palcone, na kaniyang pinuna kung bakit hindi nakipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia.
Nakipag-ugnayan din ang pamilya ni Jelyn sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong July 19.
Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, nakikipag-ugnayan sila sa recruitment agency nito kaya nakausapo din nila ang pamilya ni Jelyn.
Pero noong July 20, nakatanggap ng impormasyon ang pamilya ni Jenyn na namatay ito dahil sa cardiac arrest.
“Ang huling ulat as of this morning Mr. senator, ang resulta ng autopsy ni Jelyn ay natural death ang lumabas. Hindi po natin tinatanggap ito kaya't ang next course of action is an autopsy here in the Philippines." ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.
"Mayroon po ako ring ulat tungkol sa mga nakatanaw ng katawan ni Jelyn at buong buo ang kanyang katawan, therefore an autopsy in the Philippines is very very feasible thorugh the National Bureau of Investigation,” patuloy niya.
Samantala, July 15 naman ng makausap ng kaniyang pamilya ang isa pang OFW na si Roilyn Sayson na nasa KSA din.
Ayon sa kaniyang asawa, lagi umanong ikinukulong sa kuwarto ang kaniyang misis.
Hanggang sa makatanggap din sila ng impormasyon na pumanaw sa "natural cause" ang OFW noong July 16, na hindi rin pinapaniwalaan ng pamilya.
Sinuspinde na ang lisensya ng recruitment agencies ng dalawang OFW.
Kapag natapos na ang awtopsiya sa mga labi at may makitang ebidensiya ng iregularidad, sinabi ng Department of Foreign Affairs na hihilingin nila sa Saudi government na kasuhan ang mga employer ng dalawang OFWs.--FRJ, GMA Integrated News