Masayang nagbabalik-tanaw ang isang 57-anyos na ginang na 14 na taon nang pagtatrabaho bilang kasambahay sa Dubai dahil nakita niya ang magandang resulta ng kaniyang pagsasakripisyo sa kaniyang trabaho na tinatawag na "kuskos-kubeta."

Taong 2010 nang tumapak sa Dubai para maging household service worker (HSW) si Helen Mata Adducul, isang elementary education undergrad, na mula sa Pamplona, Cagayan Valley.

"Kuskos-kubeta," ang paglalarawan o tawag sa mga kasambahay na "all-around" sa gawain.

Nakipagsapalaran siya sa ibang bansa at tiniis na malayo sa pamilya upang matulungan ang kaniyang mister para mabigyan ng magandang buhay at mapag-aral ang pito nilang anak.

Naging amo ni Adducul sa Dubai ang mag-asawang expat na may dalawang anak. Nagsimula siya sa maliit na buwanang sahod na AED750, at walang day off.

“Ang sabi ko, ‘Sige po. Ako po naman ay nagpunta dito sa Dubai para magtrabaho, hindi para mag-day off,’” pahayag niya.

“Hindi man napunta sa akin ang blessing, kung mapunta naman sa mga anak ko, 'yun ang malaking blessing. Ang pagiging OFW ay hindi pang-lifetime," sabi pa ni Adducul.

Nasubok ang tibay ng kalooban ni Adducul sa unang tatlong buwan niya sa Dubai, dahil nakaranas din ang pagsubok sa pamumuhay ang kaniyang mga amo.

“Late ang sahod. Pati food, kung ano lang nandu'n, kung ano ang tira, 'yun ang akin. Pinagtiyagaan ko na rin. Hindi naman ako nagpunta ng Dubai para humusga ng tao,” kuwento niya.

Ang kaniyang pagtitiis, nasusuklian naman sa pagpasok ng bagong kontrata na may kaakibat na dagdag na sahod, hanggang sa umabot na ngayon sa AED2,600.

Bukod pa ito sa natatanggap niyang benepisyo para sa bigas, toiletry at ilang groceries. Mayroon na rin siyang dalawang araw na days off.

Mabait din ang kaniyang mga amo na sumusuporta rin sa pag-aaral ng kaniyang mga anak, at pati sa negosyong pag-aalaga ng hayop ng kaniyang mister. Natulungan din silang maipaayos ang kanilang bahay, at makabili ng sasakyan.

“Lumipad ako dito sa UAE na dala ang pag-asa na mapag-aral ko ang pito kong mga anak. Kinaya ko na mapagtapos sila ng college,” sabi ni Adducul.

May isa na siyang anak na abogado, may guro, may civil engineer at isang finance management professional. Dalawa pa niyang anak ang nasa kolehiyo na kumukuha ng agriculture at education.

Isang senior high school student naman ang kanilang 16-anyos na bunso.

"'Yung mga anak na napag-aral ko, 'yun ang blessing ko dahil lifetime nila 'yun. May pakpak na po sila. Puwede nang lumipad…Makakatayo na sa sarili nila. Magagamit ang pinag-aralan. ‘Yung blessing ay para sa lifetime, hindi 'yung blessing na panandalian lang,” pahayag niya.

Bukod sa kaniyang pamilya, nakakatulong na rin sina Adducul at kaniyang mister sa kanilang mga kalugar dahil sa kanilang negosyo sa lalawigan.

“Ang advocacy namin bilang family ay makatulong sa mga less fortunate na kagaya namin. Mawala man kaming mag-asawa ay meron naman kaming mga anak na magpapatuloy sa pagtulong,” sabi ni Adducul.

Nagkamit si Adducul ng Gawad Kasambahay Award 2023, isang taunang pagtitipon sa pagkilala sa mga HSW sa UAE, na inoorganisa ng mga lider at entrepreneurs sa Filipino community gaya ng Balikbayan Store and Filvision.

Nitong July 13, binuksan ang nominasyon para sa Gawad Kasambahay Award 2024, na suportado ng Philippine Consulate General, maging ng Philippine Business Council – Dubai and Abu Dhabi, na isang non-government at UAE-registered body.

“Their dedication and hard work often go unnoticed, and through this platform, we aim to give them the recognition they truly deserve. We also want to highlight the importance of supportive employers who treat their household workers as family,” sabi ni Michelle Guinto, founder ng Gawad Kasambahay. —mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated News