Kahit nakuha na ang oil tanker truck, pinababa at pinagbabaril pa rin ng mga hijacker ang driver at pahinante ng truck na nakita ang katawan sa gilid ng kalsada sa Rosario, La Union.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan ang mga biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na hinarang ng apat na suspek na nagpanggap na uniformed personnel ang oil tanker truck.
Nang makuha ang truck, pinababa ang mga biktima at pinagbabaril sa tabi ng kalsada.
"Posible ang target talaga nila is ‘yung truck," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jake Isidro, Public Information Officer of the La Union Police Provincial Office (PPO).
Sa follow-up operation, nakita ang truck na iniwan sa Aguilar, Pangasinan. Hinihinala na nagkaroon ng problema ang sasakyan kaya napilitang abandonahin ng mga suspek.
Sa tulong isang saksi, naaresto sa Sual, Pangasinan ang isa sa mga suspek. Batid na rin umano ang pagkakakilanlan ng tatlo pa.
"Maganda naman ang takbo ng investigation with the coordination ng ibang kasamahan sa PNP (Philippine National Police) ay naaresto ang suspek sa Sual, Pangasinan," ani Isidro.
Nakaburol ang mga labi ng pahinante na si Ariane Casabueno, 32-anyos sa Sto. Tomas, La Union, habang nasa Agoo, La Union ang mga labi ng driver.-- FRJ, GMA Integrated News