Dalawang tama ng bala ng baril sa likod ang tumapos sa buhay ng isang 38-anyos na negosyante sa Tanauan City, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nagpapahinga ang biktima sa kaniyang pickup truck nitong Linggo ng hapon ng barilin siya ng salarin na nakasakay sa motorisklo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Apolinario Lunar Jr., hepe ng Tanauan Component City Police Station, alitan sa negosyo ang isa sa mga tinitingnan nilang motibo sa krimen.
"Depende po sa presuhan ng kalakal, minsan mayroon nang nakukuha ng una, mayroon namang nag-o-offer ng mas mataas. Kaya mayroong mga nagagalit. Ang pangalawa po nating tinitingnan, nagkaroon sila ng pagkakautang related din po doon sa kanilang hanapbuhay," dagdag ni Lunar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa salarin.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News