Dalawang dating pulis na nasibak sa serbisyo matapos mag-AWOL (absent without leave) ang suspek sa pagpatay sa magkasintahan na sina Geneva Lopez at nobyo niyang Israeli na si Yitzhak Cohen. Ang krimen, planado, ayon sa pulisya.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, iniharap ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, at pamunuan ng Philippine National Police, ang dalawang dating pulis na sina Rommel Aboso at Michael Guiang.
Nag-AWOL umano ang dalawa at natanggal sa serbisyo noong 2019 at 2020.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na planado ang pagpatay sa magkasintahan, at ang lupa na isinanla ni Guiang kay Lopez na hindi natubos ang lumilitaw na ugat ng krimen.
"There was that plan of killing itong magnobya na ito so makikita ninyo ayaw ibigay ni Guiang yung lupa na isinanla niya kay Geneva," ayon kay Police Major General Leo Francisco, Director, CIDG.
June 21 nang makipagkita umano ang mga suspek sa magkasintahan sa Tarlac City, at pinalabas umano ni Guiang na mayroon siyang buyer ng lupa. Iyon na ang huling araw na nakita ang dalawang biktima.
Nauna nang sinabi ng kapatid ni Cohen na may katatagpuin ang kaniyang kapatid noong June 21 sa Tarlac para kunin ang titulo ng lupa na kolateral sa utang sa kanila.
June 22 nang makita ang nasusunog na sasakyan ng magkasintahan sa Capas, at wala sa loob ang mga biktima.
"Noong dumating sila (Lopez at Cohen) sa lugar na yun, kaunti panahon lang at sila ay kaagad binaril nitong ating mga suspek," saad ni Francisco, na sinabi ring sa loob ng kanilang sasakyan binaril ang dalawa.
Nitong nakaraang Sabado, natagpuang ang katawan ng magkasintahan nakalibing sa isang quarry site sa Capas na may tig-dalawang tama ng bala ng baril.
Isinasailalim na sa forensic examination ang mga baril na nakuha mula sa dalawang dating pulis. Bukod sa kanila. may tatlong sibilyan pa na hawak ang mga awtoridad na hinihinalang may kinalaman sa krimen, at may dalawa pang hinahanap.
"We will make sure that the ends of justice will be served to the family of Yitzak and the family of Geneva. Talagang ang hustisya ay kakamtin natin at talagang ipapakulong at mabubulok sa kulungan ang mga taong ito," ayon kay Abalos.
Dahil sa may mga dating pulis na sangkot sa krimen, sinabi ng abogado ng pamilya Lopez na hindi maalis na mangamba ang ito para sa kanilang kaligtasan, ayon sa hiwalay ng ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV News.
"Noong nalaman nila na yung isa o dalawang na persons of interest ay dating mga pulis ay mayroon nang takot. hindi mawawala yung agam-agam sa kanila," ayon kay Atty. Jon Lacanlale, abogado ng pamilya Lopez. -- FRJ, GMA Integrated News