Patay na nang matagpuan sa loob ng abandonadong sasakyan ang magkapatid na batang lalaki na huling nakasama ng ina noong Sabado ng tanghali sa Santo Tomas, Pampanga.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing edad lima at anim ang mga biktima na natagpuan ang mga bangkay sa isang sirang kotse na nakaparada sa Barangay Moras dela Paz.

Isang concerned citizen umano ang nakaamoy ng masangsang sa lugar at nadiskubre ang bangkay ng magkapatid sa loob ng sasakyan na nakaparada sa layong 500 metro mula sa kanilang bahay.

Ayon sa ina ng mga bata, pinakain pa niya noong tanghali ang dalawa at hindi na niya nakita kinagabihan.

Hindi raw nag-aalala ang ina dahil sa pag-aakalang nasa ama lang ang mga bata na nakatira sa ibang barangay.

Nalaman lang ng ina na nawawala pala ang mga anak niya nang madiskubre na ang mga bangkay sa kotse.

Itinanggi naman ng ama na kinuha niya ang mga bata at sinabing noong nakaraang buwan pa niya huling binisita ang mga anak.

Hindi rin umano niya kukunin ang mga bata nang hindi alam ng ina.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad. Sa ngayon, wala pa umano silang nakikitang foul play sa nangyaring insidente.

"Ako, personally, [pansin ko] nangangamoy na, so ibig sabihin matagal na silang patay," sabi ni Police Captain Jester Calis, hepe ng Santo Tomas Police.

"Ito, ongoing pa yung SOCO na nag-po-process ng crime sceneā€¦ initial, ano po namin, wala pong nakitang foul play," dagdag niya.

Matatandaan na noong Marso, dalawang bata na edad dalawa at tatlo ang nakita ring patay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan sa Barangay Malabanias sa Angeles City sa Pampanga rin.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naglalaro ang dalawang bata na nakapasok sa nakaparadang sasakyan at hindi na nagawang makalabas hanggang sa ma-suffocate sila.--FRJ, GMA Integrated News