Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na lumubog na ang bulk carrier na MV Tutor na inatake at pinasabugan ng Houthi rebels sa Red Sea. Ang Pinoy na sakay nito, hindi pa rin nakikita.
Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, huling namataan ang MV Tutor noong June 17. Tinangay ito ng alon at pinaniniwalaang lumubog sa bahagi ng eastern coast ng Eritrea sa Red Sea.
“On June 18, when a ship returned on the scene supposedly to commence the search and also the salvaging operation with respect to the ship, she could not be found, the MV Tutor,” saad ni Cacdac sa press briefing nitong Huwebes.
“The vessel is lost and apparently sank. There is an oil slick as reported that was spotted at around the same projected location of the ship,” dagdag niya.
Ang United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO) ang nag-ulat nitong Martes na posibleng napalubog ng Houthi militants ang Greek-owned MV Tutor, na ikalawang barko na napalubog ng mga rebelde sa Red Sea.
Dahil sa paglubog ng barko, sinabi ni Cacdac na maghihintay pa ang DMW sa kung ano ang susunod na hakbang sa posibleng paghahanap sa barko.
“It renders it more difficult given the circumstances. We are still waiting for the word on the situation,” anang kalihim.
Paglilinaw ni Cacdac, hindi nila maaaring kumpirmahin kung patay na ang nawawalang Pinoy hanggat hindi ito nakikita.
Gayunman, tiniyak niya na ibibigay nila ang kinakailangang tulong sa pamilya ng nawawalang tripolante.
Mayroon umanong tatlong anak ang Pinoy seafarer, at dalawa pa ang nag-aaral. Pumanaw naman naman ang kabiyak nito, tatlong taon na ang nakararaan.
Nakaligtas ang 21 Pinoy na sakay din ng MV Tutor, nakabalik na sila ng Maynila noong Lunes.
Magsasagawa ng imbetigasyon ang DMW kung may nilabag na patakaran ang shipping company o manning agency kaugnay sa paglalayag sa Red Sea na itinuturing na mapanganib --kasama na ang Gulf of Aden, at kalapit pang mga teritoryo-- dahil na rin sa mga nagdaang insidente ng pag-atake ng mga rebelde sa mga dumadaang barko roon.—FRJ, GMA Integrated News