Tatlong Pilipino ang kabilang sa mga nasawi sa nasunog na gusali sa Kuwait, ayon sa impormasyon na mula sa Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Huwebes.
Ayon kay DMW acting Secretary Hans Leo Cacdac, ang pagkakalanghap ng usok ang ikinasawi ng tatlong Pinoy.
Ang tatlong biktima ay bahagi ng 11 overseas Filipino workers na nagtatrabaho sa isang Kuwaiti construction company na tumutuloy sa nasunog na gusali.
Inihayag din ng DMW na may dalawa pang OFW ang malubha ang kalagayan sa ospital, habang "safe and unharmed" naman ang anim na iba pa.
Nakikipag-ugnayan na umano ang DMW at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamagitan ni administrator Arnell Ignacio, sa mga pamilya ng mga apektadong OFWs.
Inatasan din ni Cacdac ang OWWA at Migrant Workers Office sa Kuwait na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Kuwait sa ilalim ng pamumuno ni Ambassador Jose Cabrera, para maiuwi sa bansa ang mga labi ng mga nasawing OFWs.
“We are in touch with the families of all the affected OFWs, including the families of those two in critical condition and the families of the three fatalities. Six of them are now safe and provided with their immediate needs," ayon kay Cacdac.
"We will provide all the necessary assistance and support to the OFWs and their families in this difficult time as directed by the President,” dagdag pa niya.
Ayon sa awtoridad ng Kuwait, dakong 4:30 am nitong Miyerkules nang masunog ang gusali na tinutuluyan ng mga dayuhang manggagawa ng naturang Kuwaiti construction company sa al-Mangaf, isang coastal city sa Kuwait.
Nasa 49 katao na ang nasawi, at ilan pa ang sugatan, ayon sa Kuwait Interior Ministry. —FRJ, GMA Integrated News