Kabilang ang tatlong Pilipino sa mga nasugatan sa nangyaring sunog sa isang gusali sa Kuwait nitong Miyerkules, na ikinasawi ng 49 na tao.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) acting secretary Hans Cacdac, na dalawa sa tatlong sugatang Pinoy ang kritikal ang kalagayan.
"Merong tatlong naospital at dalawa ngayon ay in critical condition. So, ipagdasal natin ang kanilang kaligtasan," ani Cacdac.
"'Yung isa is in a less serious situation, pero pagdasal pa din natin ang kanilang kaligtasan," dagdag pa ng kalihim.
Sinabi pa ni Cacdac na may 11 Pilipino ang naapektuhan ng sunog na nangyari dakong 4:30 a.m. sa Mangaf, isang coastal city south sa Kuwait City.
"Meron tayong 11 OFWs na apektado dun sa building na yun... Fire broke out nung madaling araw, so tulog ang karamihan dun sa building na yun," sabi ni Cacdac.
"Tatlo have been marked safe, lima ang ayon sa report, ang status nila ay missing, subject to hospital confirmation. We all have their names and their families have been contacted, we are about to contact a few more," patuloy niya.
Ayon sa DMW, ang gusaling nasunog ay tinutuluyan ng mga manggagawa mula sa isang construction firm.
"We are coordinating with the company involved and they've been very cooperative. The Kuwaiti government is also cooperative and coordinating with us," sabi ng kalihim.
Hindi naman kaagad isinapubliko ng mga awtoridad sa Kuwait ang nationality ng mga nasawi.-- FRJ, GMA Integrated News