Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga opisyal ng Brunei para maisalba ang buhay ng mga Pinoy na nahatulan doon ng parusang kamatayan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Lunes, inihayag ni DMW acting secretary Hans Cacdac, na hiniling ng Pilipinas sa Brunei na mabigyan ng pardon o mapababa sa life imprisonment ang parusa sa mga Pinoy na nasa death row.
Noong nakaraang linggo, nabisita ni Cacdac ang dalawang OFWs na nakakulong sa Brunei. Kasama ang opisyal sa deligasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa dalawang araw na state visit sa Brunei Darussalam noong May 28 hanggang 29, 2024.
Kabilang sa nakakulong sa Brunei mula 2016 si Cyrile Tagapan, na hinatulan ng korte dahil sa pagpatay sa Bruneian citizen, at may kasamang arson at theft.
Hinihinalang din ng Pilipinas sa Brunei na palayain nang maaga ang dalawang nakapiit na Pinoy doon na aabot na sa 70 na ang edad
Kabilang dito si Edgar Puzon, na nakakulong doon dahil sa kasong pagpatay sa kaniya niya Pinoy noong 2005. Habambuhay ang hatol kay Puzon na magiging 70-anyos sa Enero 2025.
“I conveyed the message of the President to our two kababayans of his support and continuing prayers for them,” sabi ni Cacdac sa hiwalay na pahayag. “Both expressed their deepest thanks to the President.”
Daragdagan din umano ng DMW ang tinatawag na "compassionate visits" para sa dalawang Pinoy.
"The DMW and its attached agency, the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), funded and will continue to shoulder all expenses for the compassionate visits of the two OFWs’ families and relatives," sabi ng DMW.
SInabi ni Cacdac na 70 Pinoy ang nasa death row sa iba't ibang bansa, na karamihan ay nasa Saudi Arabia, at Malaysia.
Samantala, 45 sa mahigit 104 displaced OFWs ang binigyan naman ng tig-P30,000 na ayuda ng DMW kasabay ng pagdiriwang ng National Migrant Workers Day. —FRJ, GMA Integrated News