Pinawalang-sala dahil sa pagpatay, ngunit pinagbabayad dahil sa kidnapping ang matalik na kaibigan ng pinaslang na modelo noong 2012 na si Julie Ann Rodelas. Ang nobyo naman ng suspek, hinatulang guilty sa pagpatay.

Sa ulat ni Saleema Refran sa "24 Oras," sinabing hinatulang guilty beyond reasonable doubt nitong Biyernes si Fernando Quiambao Jr., nobyo ng matalik na kaibigan ni Rodelas na si Althea Altamirano, ng Quezon City RTC Branch 223 at sinintensyahan ng reclusion perpetua o mula 20 hanggang 40 taong pagkakabilanggo

Bukod dito, pinagbabayad din si Quiambao ng danyos na aabot sa halos kalahating milyong piso.

Matatandaang 12 taon na ang nakararaan nang matagpuang patay sa Cubao, Quezon City si Rodelas.

Hindi pa nakilala ang bangkay niya noon na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Ngunit sa pamamagitan ng resibo sa supot ng burger at fries na hawak ni Rodelas noon, natunton na may kaugnayan pala sa insidente si Altamirano.

Si Altamirano ang huling kasama ni Rodelas noong gabi bago ito nakitang patay. Umiiyak pa si Altamirano habang isinusumbong ang pagdukot umano kay Rodelas sa harap ng World Trade Center matapos silang manood ng sine.

"'Yung lalaki po nakatalikod, tapos sumarado na po 'yung kotse lahat po. Pati 'yung sandals po nasuot niya, nalaglag po doon sa sahig," paglalahad noon ni Altamirano.

Ngunit napag-alamang ang nobyo ni Altamirano na si Quiambao ang lalaking dumukot.

Kinasuhan ng murder ang magkasintahan.

Sa pag-iimbestiga ng kapulisan sa kaso noon, nakita sa CCTV ng fast food chain na si Quiambao ang bumili ng burger at fries na hawak ni Rodelas.

Tugma rin ang plaka ng minamaneho ni Quiambao na SUV sa nakitang nagtapon ng bangkay ni Rodelas.

Gayunman, pinawalang sala si Altamirano, kung saan sinabi ng korte na Kahit napatunayang nakipagsabwatan siya sa pandurukot ni Rodelas, hindi umano napatunayan "beyond reasonable doubt" na may kasunduang patayin ang modelo.

Napatunayan lamang ayon sa korte na napagkasunduang tuturuan ng leksiyon si Rodelas.

Lumalabas ding si Quiambao umano ang nagdedesisyon at ang nagpasiyang patayin si Rodelas nang makilala siya nito.

Binibigyang bigat ng korte ang posibilidad na maaaring hindi alam ni Altamirano na may planong patayin ang kaniyang matalik na kaibigan, na tugma sa kuwento noon ni Altamirano sa media.

"Sa kabila ng tinutulungan ko po si Jaja, binibilhan ko siya ng damit, inaayusan ko siya. Tapos itsi-chismis-chismis niya ako. Nagalit po 'yung boyfriend ko. Sabi niya po sa akin turuan daw ng leksiyon, lumpuhin daw po. Hindi ko po alam na gagahasain nila, papatayin pa nila. Sorry po, alam ko po kahit anong sorry ko, alam ko kasalanan ko," sabi ni Altamirano.

Iniutos nang palayain si Altamirano galing sa Quezon City Jail, ngunit pinagbabayad ng danyos na P100,000 para sa pakikipagsabwatan sa pagdukot.

Hindi matanggap ng pamilya Rodelas ang pagpapawalang-sala kay Altamirano lalo't mahaba ang tinakbo ng pagkahanap ng hustisya para sa pagkamatay ng modelo.

"Masakit talaga kaya sa gusto ko madagdagan ang pagkakakulong niya. Hindi naman ang anak ko ang namamatay kundi hindi siya ang naging dahilan. Mag-a-appeal kami sa korte para makulong pa siya," sabi ni Luz Rodelas, nanay ni Rodelas.

"Ang inaasahan namin dyan ay 'yung automatic review ng Supreme Court. Kasi mababasa naman doon sa record ang matitibay at malalakas na ebidensiya ng prosecution," sabi ni  Atty. Pete Principe, abogado ng pamilya Rodelas.

Hindi nagbigay ng panig ang mga abogado nina Quiambao at Altamirano.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News