Humantong sa peligro ang dapat sana'y masayang fireworks display competition matapos dumiretso sa mga manonood ang ilang paputok sa Oroquieta City, Misamis Occidental.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nagka-aberya ang mga paputok kaya ito napunta sa direksyon ng mga manonood.

Agad namang tinugunan ng mga bumbero ang insidente.

Sa kabutihang palad, walang napaulat na nasaktan.

Ayon sa Oroquieta LGU, natumba ang fireworks dahil posibleng malakas ang hangin kaya ito pumutok sa maling direksyon.

Depensa ng Oroquieta Fire Station, nagsagawa sila ng inspeksiyon bago nagsimula ang kompetisyon.

Ipinangako nilang mas maghihigpit upang hindi na maulit ang insidente.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News