Sinabi ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs na palalayain ng Iran ang apat na Pinoy seafarer na kabilang sa crew ng container ship na MSC Aries na kanilang kinubkob kamakailan.
“Kinakausap natin ang embahada doon. At today mismo, 'yung Iranian ambassador kakausapin namin ng Foreign Secretary. Kababalik lang kahapon ni Secretary (Enrique) Manalo,” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa GMA News Unang Balita nitong Martes.
“Ang sinabi sa amin ng embahada ng Iran so far, pati doon sa kanila, I will quote, they will be released very soon. Lahat sila, hindi lang 'yung apat na Pilipino. Tingnan natin kung magkakatotoo ito at pipilitin natin,” dagdag niya.
Ayon kay De Vega, maayos ang kalagayan ng apat na Pilipino at nakausap na rin nila ang kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.
“Ang balita, number 1, mahusay naman ang kalagayan nila. Pinapakain sila, healthy sila,” sabi ni De Vega.
“Ang magandang balita, nakausap nila ang kanilang pamilya. Bawat isa sa apat, bibigyan ng pagkakataon na makatawag sa kanilang pamilya. Ibig sabihin, hindi sila tinatratong preso o hostage,” patuloy niya.
Nitong Linggo, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na kabilang ang apat na Pinoy sa mga sakay ng MSC Aries, isang Portuguese-flagged ship, na kinubkob ng Iran.
Sa panayam ng Dobol B TV, sinabi ni "Jenny," asawa ng isa sa apat na Pinoy seafarer, na nakausap niya ang kaniyang mister noong Lunes ng gabi.
"Sabi niya okay naman sila, naka-duty, nakakakain," ayon kay Jenny, na nasa Agusan del Sur.
Sinabi ni Jenny na nalaman niya ang nangyari sa kaniyang mister nang makipag-ugnayan sa kanila ang manning agency ng kaniyang asawa.
Nakikipag-ugnayan din umano sa kaniya ang DFA at DMW para ipaalam ang mga nangyayari.
May bumisita na rin umano sa kaniyang opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Napag-alaman na mayroon tatlong anak ang mag-asawa, at 25 taon nang marino ang mister ni Jenny na 51-anyos. —FRJ, GMA Integrated News