Nabahala ang Department of Migrant Workers (DMW) na tila produkto na iniaalok sa social media ang ilang Pinay para sa kunin bilang mga domestic helper at health worker sa abroad.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video mula sa isang Instragram account na makikita ang ilang Pinay na nagpapakilala at inilalahad ang kanilang kakayanan para kunin sa trabaho.
Sa description ng social media account na isa umanong kompanya, nakasaad na nakabase ito sa Dubai, at nagpapadala ng mga Filipino housemaids, nannies, lady drivers, caregivers at nurses.
Naka-uniporme ang mga Pinay na makikita sa video habang inilalahad nila ang kanilang mga kuwalipikasyon.
Ikinabahala ito ni DMW Officer in Charge Hans Leo Cacdac at sinabing maituturing illegal job offer ang post dahil hindi dumadaan sa kagawaran ang proseso.
Napag-alaman din na walang lisensya ang recruitment agency na konektado sa nasabing account na nasa social media. Hindi rin umano accreditation ng foreign principal at employer, na kabilang sa mga rekisitos para makapagpadala ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa.
"Ito ay napakalaking concern natin. Ang advice natin sa ating mga kababayan, huwag pumatol sa mga ganiting online job offers dahil may peligro," anang opisyal.
"Ilegal hindi dumadaan sa legal na proseso sa panig ng Philippine laws, at may peligro dahil hindi natitingnan, hindi natin naaprubahan yung kontratang pagdadaanan lalo na kung ang job offer ay patungkol sa mga ofw na kasambahay,” dagdag ni Cacdac.
Hindi pa malinaw kung nasa Pilipinas o Dubai ang mga Pinay na nasa video. Pero ayon sa Cacdac, “Ang scenario kasi dito online ang job offer kaya posibleng any part of the world manggaling yung OFW.”
Ayon sa DMW, naabisuhan na nila ang Meta upang ipagbigay-alam na ilegal ang ginagawa ng naturang account.
Gayunman, napag-alaman ng GMA Integrated News na may iba pang mga kahalintulad na post na makikita sa ibang social media account.
Paalala ng DMW, ilegal ang mga ganitong uri ng recruitment, sa Pilipinas man manggagaling ang OFW, o kahit nasa ibang bansa.
“Kung meron mang job offer at matanggap, dapat dumaan muli sa DMW. Tatlo po yan na kailangang alalahainin, lisensyado yung recruiter, accredited yung nag-rerecruit sa abroad-- yung principal o employer, at dapat yung worker mismo ay dumaan sa DMW para ma-process yung kanyang OEC o OFW Pass,” paliwanag ni Cacdac.
Pinadalhan ng GMA Integrated News ng mensahe ang naturang social media account at nagpadala rin ng mensahe sa numerong nakalagay pero wala pa silang tugon, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News