Inihayag ng Bureau of Customs (BOC) na lumabas sa kanilang imbestigasyon na pribadong kompanya ang nagbebenta ng mga balikbayan box via online, na bahagi ng kasunduan nila sa taong nagpadala.
"'Yun pong mismong pinapakita ay kahon mula sa kompanya… ito po ay binenta sa ilalim po ng service agreement ng mga sender. Ito po kasi ay parang promo. Sa initial report po, lumilitaw po na ito ay promo na ship now, pay later," ayon kay BOC acting deputy commissioner Michael Fermin sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes.
"So ibig sabihin, nagbabayad lang po sila ng downpayment abroad at pagdating po dito, kailangan nilang bayaran 'yung balanse upon delivery po," dagdag niya.
Base sa kasunduan, sinabi ni Fermin na kung hindi mababayaran ng nagpadala ang gastos sa ipinadala nitong balikbayan box sa loob ng dalawang buwan, may karapatan na ang kompanya na ibenta ang balikbayan box.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang BOC matapos na mag-viral ang video post ng isang content creator na nakabili umano siya ng balikbayan box sa halagang P5,000.
Sa nakaraang ulat, itinanggi ng BOC na nagbebenta sila ng mga balikbayan box na hindi nakukuha.
Ayon kay Fermin, wala nang hurisdiksyon ang BOC sa sandaling mailabas na ng kanilang mga bodega ang mga padala.
"What we can do is to subpoena 'yung mga kumpanya at saka yung taong nagsiwalat na ito to see na baka may mga boxes doon na hindi po established 'yung ownership ng kumpanya para ibenta nila o i-dispose," sabi ni Fermin,
Ipinaalala rin ng opisyal na maaaring makasuhan ang sinumang magbebenta ng balikbayan boxes na hindi sa kanila.
Sinabi rin ni Fermin na hindi dapat basta maniwala ang publiko sa mga makakausap at nagpapakilalang taga-BOC at manghihingi ng pera para makuha o mahanap ang kanilang balikbayan box.
“Nananawagan po kami na 'wag po silang bastang maniwala. Nagkalat po ang mga scam, nagpapakilala na empleyado ng BOC at kailangan magbayad. Kailanman po, hindi po mag sisingil ang BOC, lalo na po over the phone,” giit ng opisyal.
Ginawa ni Fermin ang babala kaugnay sa pahayag ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nawala ang ipinadalang balikbayan box. Nang may makausap umano siya na mula sa BOC, sinabihan siya na kailangan niyang magbayad ng P18,000 hanggang P20,000 para mahanap ang bagahe niya.
Ayon kay Fermin, ang mga transaksyon sa BOC ay ipinapadaan sa bangko at hindi sa kawani ng ahensiya.
Maaari umanong tawagan ang hotline ng BOC na 8705-6000 o email sa boc.cares@customs.gov.ph.
"And we'll make sure na kapag ho merong sangkot na mga empleyado ng BOC na gumagawa po nito ay they will be dealt with accordingly. Magpa-file po talaga kami ng kaso para hindi lang po administratively, but criminally ma-charge din po sila at maaring mag-resulta ng pagkatanggal nila sa serbisyo," pagtiyak ni Fermin.—FRJ, GMA Integrated News