Nanumpa na para sa panibagong termino bilang alkalde ng Bergenfield sa New Jersey ang abogadong Pinoy na naninirahan na sa Amerika na si Arvin Amatorio.
Isinilang at lumaki sa Baler, Aurora si Amatorio na nag-aral sa San Beda College at Colegio de San Juan de Letran.
Noong nasa Pilipinas pa, nagtrabaho si Amatorio sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 1996, at nakilala ang kaniyang naging asawa na si IIya Evangelista.
Nang magtungo si Ilya sa Amerika, sumunod si Amatorio, at nagpasya na manatili na rin doon at ipinagpatuloy ang kaniyang studies. Taong 2006 nang nakuha niya ang kaniyang lisensiya para mag-practice ng law sa New York at New Jersey.
Bago naging mayor noong 2019, nagsilbing immigration lawyer si Amatorio kung saan marami siyang pamilya na natulungan.
Hindi naging mahirap para kay Amatorio na makuha ang kaniyang ikalawang termino bilang alkalde ng Bergenfield.
Nahalal din na councilmen ang dalawang Filipino-Americans na sina Marc Pascual na mula sa Pasay City at Buddy Deuna na mula sa Bicol region.
Si Amatorio ang ikalawang Pinoy na naging alkalde ng Bergenfield sa nakalipas na dalawang dekada sa ilalim ng Democratic Party.
Sa kaniyang talumpati, ipinagmalaki ni Amatorio na anak siya ng isang public school teacher mula sa Baler, Aurora, na nagturo sa kaniya ng kahalagahan ng pagbibigay ng serbisyo sa publiko. —FRJ, GMA Integrated News