Sa kabila nang mahirap na karanasan na idinulot ng digmaan ng Israel at grupong Hamas, nais pa rin ng ilang Pinoy na nakaalis mula sa Gaza Strip na bumalik doon kapag natapos na ang kaguluhan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Nitong Biyernes, dumating sa Pilipinas ang first batch ng mga Filipino na mula sa Gaza na binubuo ng 34 na Pilipino at isang Palestinian national.

Sa naturang grupo, isa lang overseas Filipino worker (OFW).

“Hindi po usual OFW treatment pero meron na silang malaking financial assistance. $1,000 for each family,” ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras.”

“Hindi naman sila mananatili rito eh. They're just waiting for the war to end tapos babalik sila dun so they are not here for good,” dagdag pa ng opisyal.

Ang mga umuwi ay kasama sa 40 Pilipino na nakatawid sa Gaza-Egypt border ngayong linggo. Anim sa kanila ang nanatili sa Cairo, Egypt.

Kinabibilangan ito ng tatlong Pilipino na nakapag-asawa ng Egyptian citizens, at tatlo naman buntis.

Ang isang Pinay na nakauwi mula sa Gaza, masaya na nasa Pilipinas na siya pero malungkot din dahil naiwan ang kaniyang asawa.

“I’m happy kasi I'm here. At the same time sad kasi ang husband ko was there. Hindi siya inaprubahan to come here,” saad ng ginang.

“Nandun lahat 'yung ano namin, eh. 'Yung asawa ko nandun, assistant professor siya. 'Yung anak ko she's working sa government agency sa UNDP, 'yung anak ko na bunso, nag-aaral pa siya. Di ko lang alam kung pagbalik ko, nandun pa 'yung bahay namin,” patuloy niya.

Patuloy na nananawagan ang DFA sa mga Pinoy na nasa Gaza na samantalahin ang pagkakataon na tumawid na sa Egypt habang bukas pa ang Rafah border crossing.

Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 56 na Pilipino ang nakaalis na sa Gaza Strip at nakatawid sa Egypt mula sa Rafah crossing.

Pagkatawid sa Rafah crossing, bibiyahe ang mga Pinoy sa kabisera ng Egypt na Cairo, at mula rito ay sasakay na sila ng eroplano pauwi ng Pilipinas.-- FRJ, GMA Integrated News