Natagpuang patay at may saksak umano sa katawan ang isang 32-anyos na Pinay overseas Filipino worker sa Saudi Arabia.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Marjorette Garcia, tubong-San Jacinto, Pangasinan.
Ang mga kapuwa-OFW umano sa Saudi Arabia ang tumawag sa mga kaanak ni Marjorette sa Pangasinan noong Setyembre 27 upang ipaalam ang nangyari sa biktima.
"Hindi pa namin alam ngayon kung ano talaga ang ikinamatay niya pero ang sabi nila sinaksak daw siya," ayon kay Marcelita Garcia, biyenan ni Marjorette.
Sinabi naman ng mister ni Marjorette na si Tito, na Setyembre 15 niya huling nakausap ang kaniyang asawa. Kinutuban na raw siya na may masamang nangyari sa biktima nang hindi na ito muling tumawag sa kaniya.
Taong 2021 nang magtungo sa Saudi Arabia si Marjorette upang magtrabaho upang makapag-ipon para sa kaniyang pamilya. Inaasahang uuwi siya sa bansa sa Oktubre.
Nanawagan si Tito na tulungan silang maiuwi kaagad ang mga labi ng kaniyang asawa, at mabigyan ito ng hustisya.
Nagtungo na ang pamilya ni Marjorette sa Overseas Workers Welfare Administration upang humingi ng tulong.
Nakikipag-ugnayan naman daw ang OWWA sa iba pang kinauukulang tanggapan ng gobyerno para mapabilis ang pag-uwi sa mga labi ng biktima, at malaman ang resulta ng imbestigasyon sa kaso.
"It was forwarded to us from the central office. We all know na this is allegedy murder. The remains will undergo thorough investigation pa," sabi Jennifer Dellosa, Post Arrival Repatriation Unit Officer, OWWA-1. -- FRJ, GMA Integrated News