Ilang Pinoy na pinangakuan umano ng trabaho sa call center sa Thailand na may malaking sahod ang dinadala sa Myanmar para gawing scammer online. At kapag hindi naka-quota sa dami ng dapat mabiktima, malupit na parusa ang katapat.
Sa ulat nina Ivan Mayrina at Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ng mga asawa ng mga na-recruit na biktima na isang "Joana Marie" ang nag-alok umano ng trabaho sa mga ito para maging call center agents sa Thailand.
Aabot umano sa mahigit P50,000 bawat buwan ang kikitain bukod pa sa makukuha nilang komisyon.
“Sa Facebook, yun na nagcha-chat na sa kanila. Sige kami gagastos diyan, sige kami na bahala pagdating doon porsiyentuhan na lang doon,” kuwento ng isang ginang.
Mula sa Zamboanga, ibiniyahe umano ang mga biktima patungong Malaysia, at pagkatapos ay sa Thailand. Pinasakay sila ng bangka papunta naman sa Myanmar.
“Thailand po pangako sa kanila tapos nagtataka na lang asawa ko bakit siya tinawid siya sa bangka tapos ang mata piniringan daw. Hanggang nagulat na lang siya may van na sumundo sa kanila,” kuwento ng ginang.
“Scammer po sila. Kapag naka-invest na ng buong pera ang tao hindi na nila ibabalik, sa kumpanya na nila mapupunta ang perang 'yon,” dagdag niya.
Kapag hindi nakuha ang quota o sapat na dami ng dapat mabiktima, pinaparusahan umano ang mga ito sa tinatawag na "penalty room" at "black room."
Dito, nakararanas ng pagmamalupit ang mga biktima at tino-torture pa.
“Pinoposas daw po sila tapos bago daw sila pakainin ng dalawang pandesal at mineral na tubig kukuryentihin daw muna sila at lalatiguhin,” saad ng isang asawa ng biktima.
Makaaalis lang umano ang mga biktima kung magbabayad o magbibigay sila ng tinatawag na "blood money."
“Kapag nakabayad ka kagaya nung mga nakapagbayad nakalabas ng compound bahala na kung sino susundo sa'yo dun kung police ng Myanmar o police ng Thailand," sabi pa ng asawa ng biktima.
Dumulog umano sila sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IA-ACAT) pero hindi sila nakatanggap ng tulong para matubos ang mga biktima.
Hinikayat naman ng IA-CAT ang pamilya ng mga biktima na mag-email sa kanila at ibigay ang buong detalye para maimbestigahan nila.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty, ng IA-CAT, isa sa mga dapat tandaan na "red flag" sa ilegal pag-recruit ay palalabasin ng bansa ang biktima bilang turista gayung magtatrabaho siya.
Kadalasan din umano na pang-akit ng mga recruiter ang pag-aalok ng malaking sahod at maayos na trabaho para samantalahin ang hangarin ng tao na makaahon sa hirap.
“Iyong mga passport, pagdating nila sa ibang bansa ay kinukuha iyong mga passport nila, sama-sama iyong mga passport ng mga iba‘t ibang mga banyagang manggagawa, that’s another indication of human trafficking," ayon kay Ty.
"Tapos kung may mga abuso na nagaganap sa kanila tuwing, halimbawa, hindi sila kumu-quota o gusto nilang umalis, iyan, isa pa iyang badge of human trafficking,” dagdag ng opisyal. -- FRJ, GMA Integrated News