Isang Pinay caregiver ang nasawi matapos siyang mabundol ng sasakyan na minamaneho umano ng isa ring Filipino sa Little Manila, Woodside sa New York, USA.

Kinilala ang biktima na si Eleanor Neri Marte, 77-anyos, na mula sa Cagayan de Oro.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tumatawid si Marte sa 41st Avenue at 69th Street nang mabundol siya ng sasakyan.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima at nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo.

Isunugod si Marte sa Elmhurst Hospital at pumanaw makalipas ng ilang araw.

Sumuko naman sa New York Police Department ang nakabundol kay Marte at kinalaunan ay pinalaya.

Plano na umano ng biktima na magretiro na at bumalik sa Pilipinas.

Inihahanda na ng kaniyang mga kaanak na iuwi sa lalawigan ang kaniyang mga labi.

Nakahanda naman ang Philippine Consulate General sa New York na magkaloob ng tulong sa pamilya ni Marte.—FRJ, GMA Integrated News