Ilang Pinoy na nakipagsapalaran sa Brunei ang umasenso. Katulad ng isang dating taxi driver sa Pilipinas, na mayroon na ngayong car rental service at iba pang mga negosyo doon.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing taong 2001 nang subukan ni Neovadi “Buddy” Arriola ang kaniyang suwerte sa Brunei matapos ang walong taong pagiging taxi driver sa Maynila.
Pagiging driver din ang unang naging trabaho ni Arriola sa Brunei hanggang sa ilipat siya bilang merchandiser sa grocery store.
Kinalaunan, nagtayo si Arriola ng kaniyang mini-mart pero minalas na mabaon siya sa utang noong 2011 na umabot sa P20 milyon.
Pero nagpatuloy pa rin si Arriola sa pagsisikap at pinasok niya ang pagkakabit ng mga CCTV camera sa mga government office, fast food chains, at iba pang mga establisimyento.
Pagkaraan ng tatlong taon, nakabawi na siya sa kaniyang pagkakautang.
“Masarap sa pakiramdam na nakita mo ‘yung bumagsak ka bumangon, 'wag lang titigil,” ayon kay Arriola.
Ngayon, mayroon na rin siyang salon at car rental shop na nagbibigay ng trabaho sa iba pang Pinoy.
“Siguro hanggang ngayon taxi driver ako kasi nagre-rent lang naman ako roon ng taxi. So ang purpose ko kaya ako pumunta ng Brunei para makabili ng taxi,” kuwento niya.
Kabilang din sa mga nagtagumpay na Pinoy sa Brunei ang mag-asawang architect na sina Anthony Castillo at Joji. Sila ang nagdisenyo ng ilan sa mga pamosong gusali sa naturang bansa, kabilang ang Prime Minister’s Office, iba pang tanggapan ng gobyerno at maging mga hotel.
“Bihira ang makagawa ng ganito so ang backbone actually talaga nito mga Pilipino,” ayon kay Anthony.
“Very proud kami talaga to be part of the project. Kumbaga legacy natin yun,” dagdag naman ni Joji.
Tinatayang mahigit 20,000 Filipino ang nasa Brunei ngayon. Ayon sa Philippine Embassy doon, in-demand ang mga Pinoy sa nasabing bansa kaugnay ng ginagawang business expansions at mga nagreretirong manggagawa.
“Wag silang mag-TNT. Kasi dapat gawin nila tama yung pamamaraan kasi makakahanap naman sila ng trabaho,” payo ni Philippine Ambassador to Brunei Marian Tirol-Ignacio.— FRJ, GMA Integrated News