Muling kinilala ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang sakripisyo ng overseas Filipino workers (OFWs), hindi lang para sa kanilang pamilya, kung maging sa bansa. Kasabay nito, pinuri ng pangulo ang Department of Migrant Workers (DMW) sa ginagawang pagtulong sa mga OFW at mga pamilya nito.
Sa isang gift-giving ceremony sa Kalayaan Grounds sa Palasyo, sinabi ni Marcos na malapit sa puso niya ang mga OFW. Nangako siyang palalakasin ang DMW upang makatugon sa pangangailangan ng mga Pinoy na kumakayod sa abroad.
"Gusto ko sanang magpasalamat at magbigay-pugay sa ating mga itinuturing na bagong bayani, ang ating mga OFW, para sa lahat ng mga nagawa ninyo para sa atin, para sa inyong pamilya, para sa inyong bansa," ani Marcos.
"Malapit po sa akin ang mga OFWs at ang kanilang mga pamilya. Kaya naman sa ating administrasyon, lalo nating pinagtitibay ang Department of Migrant Workers upang mas mabilis ang serbisyo at pagkalinga para sa ating mga bagong bayani," patuloy niya.
Kinilala ni Marcos ang malaking tulong ng mga OFW para mabuhay ang ekonomiya ng bansa, at mapabuti ang pamumuhay ng pamilyang Filipino.
"Dahil sa inyo, nagkaroon ng magandang imahe ang ating bansa sa buong mundo. Tinitingala ang mga manggagawang Pilipino bilang isa sa pinakamagagaling, di na isa sa pinakamagagaling, 'yung pinakamagaling at pinakasamasipag at pinakamaalagain sa buong mundo," anang pangulo.
Kasabay nito, pinapurihan din ni Marcos ang DMW para sa unang anibersaryo ng pagkakatatag nito, at suportang ibinibigay sa mga OFW at sa mga pamilya nito.
Ayon kay Marcos, nais niyang magbigay ng iba pang tulong sa mga OFW at kanilang pamilya. Kabilang dito ang pabahay at scholarship.
"Sa nakaraang taon ay nakita natin na buong sigasig na nagtatrabaho ang kagawaran upang siguruhin ang interes at kapakanan ng ating mga OFW," ani Marcos.
"Ngunit, ang may kaunting pagbabago. Kagaya po ng ipinaliwanag ni Secretary Toots [Ople], ay ngayon ay hindi lamang natin tinitingnan ang mismong mga OFW, ang mismong mga nagtatrabaho sa abroad, kung hindi pati na ang inyong mga pamilya," patuloy niya.
Sa hiwalay na mensahe, sinabi ni DMW Secretary Ople, na mula July hanggang December ng taong ito, nasa 766,290 OFWs ang naiproseso ng kagawaran at naihanap ng trabaho sa ibang bansa.
Samantala, 6,341 distressed OFWs naman ang natulungan na makauwi ng bansa. Idinagdag ni Ople na hanggang nitong November, mayroong 16,000 scholars ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
"Pangako po, Mr. President, gagawin namin sa DMW at ng OWWA ang lahat para alagaan at ipaglaban ang ating mga OFWs at ang kanilang mga pamilya. Dahil iyan po ang inyong mahigpit na tagubilin sa amin. At dahil tunay po namin silang minamahal at ginagalang," ani Ople.
Sa 2023, sinabi ni Ople na magiging "full hiring mode" ang DMW dahil nasa 1,000 na posisyon pa ang kailangan nilang punuan. Magbubukas din sila ng 16 regional offices at karagdagang apat na overseas labor posts o Migrant Workers Offices. —FRJ, GMA Integrated News