Hinahangaan ngayon ng mga foreigner at ng mga sikat ang isang Pinoy magician dahil sa kaniyang mga kagila-gilalas na magic tricks sa Dubai, UAE. Ang lalaki, pinabilib maging sina Paris Hilton, Ne-Yo at Manny Pacquiao
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Patricia Tumulak, sinabing taong 2014 nang matungo si Normando Macalinao sa UAE para tuparin ang kaniyang pangarap na magmay-ari ng sariling hotel.
Ngunit dahil hindi siya masyadong marunong mag-Ingles at walang karanasan noon, nagtrabaho muna siya bilang dishwasher.
"Ito 'yung pinangarap ko, kaya nagsumikap ako, nag-aral ako ng English nang mabuti. And then pinag-aralan ko ang lahat ng mga galawan doon ng mga waiter. After siguro ng four, six months, pinromote na nila ako as a waiter," sabi ni Normando.
Gayunman, sobrang baba lang ng kaniyang sahod na nasa P10,000 hanggang P15,000 ang katumbas sa Pilipinas.
Sa kaniyang pananatili sa Dubai, binalikan ni Normando ang kaniyang libangan sa Pilipinas na pagma-magic, na natutunan niya noong edad 14 pa lamang siya.
Inaral ni Normando ang mga basic magic sa pamamagitan ng panonood ng mga video online gamit ang mga nabiling card at bola.
"Tinry kong mag-magic sa mga table sa mga guest ko kapag may free time. And then nakita ko 'yung mga reaction ng mga guest, talagang tuwang tuwa sila tapos dumami 'yung tips namin," anang salamangkero.
Dahil sa dami ng natutuwa, pinost ni Normando ang kaniyang magic tricks sa kaniyang social media account. Hanggang sa maging follower niya si Paris Hilton.
"Iba 'yung binigay sa akin na pagiging magician compared to a hotelier. Sabi ko gusto kong maging kilalang magician kasi bihirang bihira lang 'yung Pilipinong magician sa buong mundo eh. Parang gusto kong iangat ang magic industry sa buong mundo," sabi ni Normando.
Kumikita na ngayon si Normando The Magician ng P300,000 hanggang P600,000 kada buwan.
Bukod dito, napabilang din siya sa 300 Most Influential Filipinos in the Gulf ng Ilustrado Magazine.
"Dapat alam mo na maraming obstacle na makikita or ma-experience habang papunta ka sa mga pangarap mo. Dapat ipagpatuloy mo lang, huwag kang susuko," sabi ni Normando.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News