Namangha ang cast ng "Running Man Philippines" sa isang Pinay na may-ari ng isang karinderya sa Little Manila sa South Korea dahil sa maganda nitong kita sa negosyo.
Nagtungo ang Pinoy cast ng naturang reality game show sa Little Manila upang makatikim ng mga lutong Pinoy.
Dito nila nakilala si "Ate Violeta," ang Pinay na isa sa mga karinderya sa lugar.
Aniya, 10 taon na siyang nagtitinda ng mga pagkain sa Little Manila, at siya ang pinakahuling nagtayo ng kainan sa lugar.
May iba raw may-ari ang kaniyang karinderya pero umalis ito at sa kaniya na ipinagkatiwala.
"Matagal na ito. Kaya lang noong nag-for good na 'yung tao, hindi na siya babalik, ibinigay na niya sa akin," sabi ni Ate Violeta.
Bago makarating sa Korea matapos makapag-asawa ng Koreano, sinabi ni Ate Violeta na dati rin siyang nagtitinda sa Pilipinas.
"Nakipag-asawa ako ng Korean. Sa hirap ng buhay sa Pilipinas, sa aming magkakapatid, ang dami namin, anim. May puwesto ako sa Pilipinas, tiningnan ko ang kapatid ko, ang asawa ay babaero... Nakipag-asawa na siya nang maaga, ako na 'yung nahuhuli. 'Ay naku, mag-asawa na lang ako ng Korean.' Binigay ko na 'yung puwesto ko sa kanila isa-isa," kuwento ni Ate Violeta.
Sa tulong ng kaibigan ng kaniyang ate na may asawang Korean, nakilala ni Ate Violeta ang Koreanong kaniyang mapapangasawa sa simbahan.
"Nagpunta ako sa Maynila, sa simbahan, doon ko na-meet ang asawa ko," saad niya.
Hanggang sa kinuha na siya ng kaniyang partner at sa Korea na sila ikinasal. May dalawa na siya ngayong anak.
Ayon kay Ate Violeta, kumikita ang kaniyang karinderya ng 2 milyong South Korean won o higit P86,000 kada araw.
Bukod pa ito sa kita niya sa isa pa niyang puwesto, na kung susumahin ay kumikita siya ng 3.5 milyong South Korean won o higit sa P150,000.
Ano naman kaya ang paborito ng mga Koreano sa mga Pinoy food na itinitinda ni Ate Violeta sa kaniyang karinderya? Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News