Kailangan ng Saskatchewan na lalawigan sa Canada ang mga Pinoy registered nurse na aabot umano ang paunang sahod sa katumbas na P150,000 kada buwan at may iba pang mga benepisyo.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nasa 1,000 Pinoy nurses ang kailangan ng Minister of Health ng Government of Saskatchewan.
Ayon sa Saskatchewan Health Minister na si Paul Merriman, nararapat na ibigay sa mga Pinoy nurses ang ganitong pagtrato dahil likas sa kanila ang pagiging maaruga, tapat at magagaling.
“We want to provide them with an option and opportunity. We know that they are sought after by other countries,” saad ni Merriman.
Maliban sa buwanang sahod, may mga benepisyo ring makukuha ang mga nagtatrabaho sa Canada.
“It’s lifestyle choices and those choices that they can have to be able to have that work life balance which is very good in Saskatchewan,” ani Merriman.
Ang matatanggap na nurse, maaari ding isama ang kaniyang pamilya sa Canada. Nasa 21 porsiyento umano ng mga bagong dating na immigrants sa Canada ay mga Pilipino.
“We just don’t recruit the worker, we recruit the family. And there’s an instinct to integrate into our education system, we offer them healthcare immediately,” ani Merriman.
“The spouses looking for employment, we will try to find employment,” dagdag pa niya.
Makikipagpulong na ang Health Ministry ng Saskatchewan sa Department of Migrant Workers (DMW) para plantsahin ang isang memorandum of understanding.
Nagpaalala namang ang DMW na mag-ingat sa mga illegal recruiters sa social media sites.
Maaaring bisitahan ang website ng Saskatchewan Health Authority na www.saskatchewan.ca/hhr.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News