Tinututukan umano ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng mga Pinoy na ni-recruit para magtrabaho sa call center sa abroad pero ginawang scammer.
Sa public briefing nitong Martes, sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac na nag-utos si DMW Secretary Susan “Toots” Ople, na ibigay ang kailangang tulong sa nasabing mga overseas Filipino workers (OFWs).
“Pinag-utos po ni Secretary Toots, halimbawa, ang mag-provide ng airport, accommodation, legal, financial, psychosocial counseling assistance sa mga OFWs na tinutukoy sa speech ni Senator Risa [Hontiveros],” ayon kay Cacdac.
Sa privilege speech ni Hontiveros nitong Lunes, sinabi ng senadora na 12 OFWs ang nasagip mula sa Chinese syndicate na nakabase sa Myanmar.
Nasagip ang mga OFW sa tulong ng isang non-government organization at Department of Foreign Affairs (DFA).
Kuwento ng isa sa mga nasagip, ni-recruit sila bilang customer service representatives o data encoders para magtrabaho sa Thailand.
Ayon kay Hontiveros, dinala umano ng Chinese mafia ang mga OFW sa Myanmar at doon tinuruan kung papaano mang-scam ng mga dayuhan sa pamamagitan ng cryptocurrency.
Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan na ang DMW sa DFA at iba pang kinauukulang ahensiya para matulungan ang mga OFW sa katulad na sitwasyon.
“Huwag po kayong mag-alala, rest assured, nakatutok po ang DMW sa kalagayan ng OFWs na tinutukoy ni Senator Hontiveros,” pagtiyak ng opisyal. — FRJ, GMA Integrated News