May kakaibang twist ang isang Pilipinong chef sa Italy nang lagyan niya ng Pinoy touch ang Sicilian dishes sa isang maliit na restaurant.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Oscar Oida, sinabing itinanghal na grand winner sa 2020 Italian cooking show na Gino Cerca Chef si Morris Danzen Catanghal, na tubong Calumpit, Bulacan.
Sa ngayon, pinatatakbo ni Chef Morris ang isang trattoria o maliit na restaurant na pagmamay-ari ng kaniyang Sicilian in-laws.
Noong una, ayaw pa ni Chef Morris na tanggapin ang restaurant dahil malaki itong responsibilidad, at gusto niya ring maipakilala ang Filipino food.
"My inspiration was from all of my experiences and especially 'yung ating ingredients and techniques that we do in the Philippines. I infuse all of those dito sa Sicilian ingredients that's why 'yung aming dishes ay very unique. You can say it's half-Filipino, half-Sicilian," sabi ni Chef Morris.
Bago nito, nagtrabaho muna bilang isang singer si Chef Morris ng isang banda sa China bago napasok sa pagluluto.
Doon na rin nagsimula ang love story nila ng kaniyang Italian na misis. Mula China, bumuo na ng pamilya si Chef Morris sa Sicily.
Gustong gusto ng mga anak at in-laws ni Chef Morris ang mga Pinoy food, lalo na ang Adobo, Kaldereta at Champorado.--FRJ, GMA Integrated News