Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairperson Silvestre Bello III na pinag-uusapan nila ng counterpart sa Taipei ang pagkakaroon ng mutual visa-free travel policy sa Pilipinas at Taiwan.
Sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes, sinabi ni Bello na napag-usapan nila ang naturang usapin ng kaniyang counterpart, na si Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines head Michael Hsu, sa pulong nila noong Martes.
“Yun nga ang pinag-usapan namin ni Ambassador Hsu noong last Tuesday na pinag-usapan namin yun tungkol sa reciprocity ng visa-free travel ng ating mga kababayan sa kanila at yung kanilang citizens papunta dito,” ayon kay Bello.
Inihayag ito ni Bello nang may magtanong kung magpapatuloy ang visa-free travel ng mga Filipino sa Taiwan.
“Sa alam ko, hindi pa nga,” anang kalihim.
Unang ipinatupad ng Taiwan ang visa-free policy sa Pilipinas noong November 1, 2017. Kasunod nito, hiniling ng Taiwan sa pamahalaan ng Pilipinas na tugunan ang kanilang ginawa at magpatupad din ng visa-free sa mga Taiwanese na pupunta sa Pilipinas.
Para kay Bello, walang problema ang Pilipinas sa relasyon nito sa Taiwan, partikular sa kalakalan, negosyo, employment, at kultura.
Sinabi ni Bello na tutugunan din niya ang problema sa mga undocumented overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan.
Tinatayang nasa 200,000 ang documented Filipino workers sa Taiwan, ayon sa kalihim. — FRJ, GMA News