Maganda ang bunga ng pagsisikap ng isang Pinay sa pamimitas ng prutas sa Australia dahil umaabot daw sa 6,000 Australian dollars kada buwan ang kaniyang kinikita, o katumbas ng mahigit P200,000.
READ: Pinay dairy farmer sa New Zealand, kumikita ng nasa P100k kada buwan
Sa kuwento ni Victoria Tulad sa "Dapat Alam Mo!," napag-alaman na tubong-Siargao ang 22-anyos na Pinay fruit picker sa Australia si Mariel Larsen.
Taong 2017 nang makilala ni Mariel sa Facebook ang Australyanong si David, isang fruit picker sa farm sa kanilang bansa.
Ang pagiging magkaibigan nila, nauwi sa long-distance relationship. Hanggang sa magpakasal sila noong 2018 at nanirahan na rin si Mariel sa Australia.
Pagkarating sa Australia, agad na sumabak sa trabaho si Mariel bilang fruit picker sa farm.
Samu't saring mga prutas ang pinipitas ng mag-asawa, kabilang ang mga mansanas, mandarin o orange, lemon, cherry at blueberry.
Mayroon silang mga suking sakahan na kumukuha sa kanila para mag-ani. Ang kanilang kita, depende sa klase ng prutas at dami ng kanilang maaani.
Ayon kay Mariel, may mga prutas na madaling mapuno ang isang kahon, depende sa bunga at laki ng prutas.
Sa kaniyang trabaho, kumikita si Mariel ng 6,000 Australian dollars o P226,000 kada buwan.
"Ang pamimitas ay good charm. Kung ilan ang napitas mo ay doon po kayo binabayaran," ani Mariel.
"Very physical ang pamimitas. I feel like I climbed in the mountain every day, sa sobrang sakit ng katawan ko, legs, parang ayoko nang magtrabaho the next day," dagdag pa niya.
Nakatira sa isang camper van sina Mariel at David, kasama ang dalawang taong gulang nilang anak na si Sylvester. Dahil dito, puwede na silang dumirestong sa bukid gamit ang kanilang caravan.
Nag-iipon na rin ang mag-asawa para makabili ng sarili nilang bahay sa Australia.
Bukod dito, dahil sa magandang kita sa kaniyang trabaho, natutulungan ni Mariel ang kaniyang pamilya sa Siargao.
Nabilhan niya ng mga gamit sa pangingisda ang mga kaanak doon at napatayuan na rin ng bahay.
"Pagdating sa trabaho, gender doesn't matter. Sobra akong proud na makikita ko na, kung makakapitas pala 'yung lalaki, uy kaya ko rin. Sobra akong proud na kaya kong magawa kung anong magagawa nila sa pamimitas," sabi ni Mariel. -- FRJ, GMA News