Nakakapagod na trabaho pero sulit naman daw ang hirap dahil sa laki ng suweldo sa pagiging dairy farmer sa New Zealand ng Pinay.
Sa ulat ng GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Jennifer Abobo, na iba sa mga naging trabaho niya sa Pilipinas ang napasok niyang trabaho bilang dairy farmer sa New Zealand.
Bukod sa pagpapastol ng mga baka, kasama rin sa trabaho ng isang dairy farmer ang pagkuha ng gatas sa mga hayop at pagtiyak na malusog ang mga ito.
Ayon kay Abobo, dumating sila sa New Zealand noong 2015 at naging masuwerte sila dahil mabait ang kanilang naging amo.
Sa New Zealand na rin natutong magpaandar ng traktora si Abobo na kailangan sa pagpapastol ng mga baka.
Inililipat din niya sa "break fence" ang mga baka sa lugar na mayroong fresh na mga damo para makakain ang mga hayop.
At mula sa damuhan, kailangan niyang alalayan ang mga baka papunta sa lugar kung saan sila gagatasan.
"Itong klase ng trabaho na ito laborious po siya. Sobrang nakakapagod pero at the end of the day ang ganda pa rin ng sahod," ani Abobo.
"Fulfilling din siya. Kapag baguhan ka dito sa New Sealand nasa 800 to 1000 euro yung sahod mo monthly. Although mahal yung expenses, yung cost of living pero malaki pa rin naman yung natitira," paliwanag niya.
Ayon kay Abobo, bukod sa kaniya ay nagpapadala rin siya ng pera sa Pilipinas para sa kaniyang mga magulang.
Sinabi rin ni Abobo na marami pang ibang trabaho na maaaring pasukan sa New Zealand. Aniya, mas marami pa ang populasyon ng mga baka at tupa sa naturang bansa kaysa sa mga tao.
Tunghayan ang kuwento ni Abobo kung saan ipinakita niya ang kaniyang ginagawa sa araw-araw bilang isang dairy farm worker. Panoorin. --FRJ, GMA News