Naging inspirasyon sa isang dating OFW sa Saudi Arabia ang larawan ng batang magkapatid na hindi niya kilala na nakalusong sa baha noong 1997 sa Pilipinas. Pagkaraan ng 25 taon, hindi niya pa rin nakakalimutan ang mga bata at nais niya itong mahanap upang kumustahin ang kanilang naging buhay. Magtagumpay kaya siya?
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng dating OFW na si Roel Mendoza na ugali niyang magbasa ng diyaryo na galing sa Pilipinas kahit nasa KSA siya.
Hanggang sa noong 1997, nakita niya ang larawan ng batang magkapatid na nakalusong sa baha. Pasan ng isa ang mas nakababata niyang kapatid.
Hindi man kilala ni Roel ang mga bata, pero may kirot sa puso niya ang tagpo sa larawan dahil isa rin pala siyang kuya sa kaniyang bunsong kapatid.
"Nasa gitna ng baha, nakapasan yung isa sa kuya niya. Parang sinasabi ng mas nakakatanda na, 'Kapit ka lang sa akin hindi kita pababayaan. Kahit anong mangyari," ayon kay Roel.
"May kapatid akong lalaki bunso. There was a time na nagkaroon ng konting hindi pagkakaunawaan, naalala ko 'yan (larawan)," emosyonal na kuwento ng dating OFW.
Pero bukod sa usapin ng pagiging kuya, naging inspirasyon din kay Roel ang larawan ng magkapatid sa tuwing dumadaan siya sa pagsubok sa buhay.
Sa mga sandali na nahihirapan siya, iniisip niya ang batang magkapatid sa larawan na kung kinaya nila ang pagsubok sa buhay ay kakayanin niya rin.
Ang naturang larawan, idinikit noon ni Roel sa kaniyang bulletin board sa KSA, katabi ng kaniyang family photo.
At pagkaraan ng 17 taon na pagtatrabaho sa KSA, umuwi na sa Pilipinas si Roel—dala pa rin ang larawan ng magkapatid na ginupit niya sa pahayagan.
Sa kasamaang-palad sa pag-uwi niya sa bansa, nabiktima naman si Roel ng pyramiding scam. Kaya dumaan muli siya sa pagsubok at nagsimulang muli sa wala.
Sa mga sandaling iyon, naging inspirasyon niyang muli sa pagbangon ang larawan ng batang magkapatid.
Makalipas nang mahigit 25 taon, mas naging pursigido si Roel na malaman kung nasaan kaya ang mga bata at kumusta na ang kanilang buhay.
Ipinost niya ang larawan sa social media para magpatulong sa paghanap sa mga bata. Kasabay naman nito ang pag-tag ng ilang netizens sa "KMJS" para tumulong sa paghahanap.
Kaya ang "KMJS" team, kumilos agad upang matunton ang naturang larawan na unang nalathala sa pahayang Philippine Daily Inquirer.
Hanggang sa malaman na ang larawan ay kuha pala sa Dinalupihan, Bataan. Nakilala rin ang magkapatid na bata ay ang bunsong si Ronelo Carlos, na nakapasan sa kaniyang kuya na si Rowell.
Bahain daw talaga ang kanilang lugar kaya pinasan ni Rowell si Ronelo.
Katunayan noong 2019, nainterview na pala sa GMA News "24 Oras" si Ronelo noong malubog muli sa baha ang kanilang lugar.
Hindi raw nila nalaman na nag-viral ang larawan nila noong bata at may taong naghahanap sa kanila.
Pero kung noong bata ay si Ronelo ang umaasa sa kaniyang kuya na si Rowell, ngayon, emosyonal na inamin ni Rowell na naligaw siya ng landas noon nang magkaroon siya ng bisyo at makulong.
Sa panahon na iyon, ang kaniyang nakababatang kapatid ang kaniyang naging sandigan tungo sa pagbabagong-buhay.
Ngayon na natukoy na ang kinaroroonan ng magkapatid, bumiyahe patungong Bataan ang dating OFW na si Roel upang makita niya at makausap sa unang pagkakataon ang dalawang batang magkapatid noon na naging bahagi ng kaniyang buhay.
Tunghayan ang nakaaantig nilang pagkikita at ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News