Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na mas maraming Pinoy sa abroad ang boboto ngayon Eleksyon 2022 kumpara sa nagdaang mga halalan.

Sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes, sinabi ni Comelec commissioner Marlon Casquejo, na sa lugar gaya ng Hong Kong, nasa 30 porsiyento na umano ng mga Pinoy na rehistrado sa Overseas Absentee Voting (OAV) ang nakaboto na.

Habang sa ibang bansa naman ay nasa 20 porsiyento na ang mga bumoto mula nang simulan ang overseas voting nitong nakaraang Abril 10.

“Our overseas voting right now is very much interesting because you know, [on] the first day, there are so many overseas voters who want to vote. So, we are expecting a much higher voting turnout as compared in 2016 and 2019 elections,” sabi ng opisyal.

“Sa ngayon (right now), for this early time period of voting, we have already reached our target, which is more than 30%,” patuloy ni Casquejo.

Ayon pa kay Casquejo, nasa 20 porsiyento umano o wala pa ang naging overseas voter turnout noong nagdaang mga halalan.

Batay sa datos ng Comelec, mayroong 1,697,215 overseas Filipinos registered voters para sa Eleksyon 2022. Sa bilang na ito, 786,997 ay nasa Middle East at African countries; 450,282 ang nasa Asia Pacific; 306,445 ang mula sa North at Latin America; at 153,491 ang nasa Europe.

Naniniwala si Casquejo na nakatulong ang bagong “vote anywhere” at field voting concept ng Comelec kaya mas marami ang bilang mga Pinoy abroad na nakakaboto.

Paliwanag niya, sa “vote anywhere” concept, maaaring bumoto ang Pinoy sa ibang bansa kahit hindi siya doon nakapagparehistro.

Samantalang sa field voting, sinabi ni Casquejo na pupuntahan ng consul o embassy staff ang Pinoy para makaboto.

Maaaring bumoto ang mga Pinoy sa abroad hanggang sa mismong araw ng botohan sa Pilipinas sa Mayo 9, 2022.

Puwedeng bumoto ang mga Pinoy sa abroad ng kandidato sa posisyon ng presidente, bise presidente, 12 senador at isang partylist group.— FRJ, GMA News